Dalmacio ng Konstantinople
Si San Dalmacio ng Konstantinople (namatay noong bandang 440), kilala rin bilang Dalmatius, ay isang santo at abad (nakatataas na pari sa kumbento o monasteryo). Dati siyang naglingkod bilang isang opisyal ng imperyal na tagapagbantay sa ilalim ng Bisantinong Emperador na si Theodosius I. Noong bandang 383, pumasok si Dalmacio at ang kanyang anak na lalaking si Faustus sa monasteryo ng Konstantinople na itinatag ni San Isaac. Sa loob ng monasteryo, namuhay si Dalmacio bilang isang parang hermitanyo na hindi lumilisan sa kanyang silid sa loob ng 40 mga taon. Nagtapos lamang ang kanyang pag-iisa nang makatanggap siya noong 431 ng isang liham mula sa mga obispo ng Konseho ng Efeso. Nilalahad ng sulat ang paghihirap ng mga obispo sa ilalim ng mga heretikong Nestoryanong tumatanggi sa mga aral ng Simbahang Katoliko hinggil sa pagiging isa sa nag-iisang banal na tao ng kalikasang banal at pantao ni Hesukristo. Hiniling ng mga obispo na pumunta si Dalmacio sa harapan ng emperador at humingi ng tulong. Lumabas si Dalmacio sa kanyang "selda" o silid at namuno ng isang prusisyon ng mga monghe papuntang palasyo. Nagtatangan sila ng mga kandila at nagsisi-awit ng mga salmo. Hinimok ni Dalmacio ang emperador na pakinggan ang daing ng mga obispo, at hiniling din niya sa emperador na basahin sa mga mamamayan ng Konstantinople ang liham ng mga obispo. Pinakinggan ng emperador si Dalmacio. Sa Konseho ng Efeso, itinalaga si Padre Dalmacio bilang ulo o pinuno ng lahat ng mga monasteryo sa Konstantinople. Inaalala siya tuwing Agosto 3.[1]
Mga sanggunian
baguhin- ↑ Magnificat, Tomo 11, Blg. 6, Agosto 2009, pahina 73.
Ang lathalaing ito ay isang usbong. Makatutulong ka sa Wikipedia sa pagpapalawig nito.